Bakit ba mahirap tayo kahit na umaangat daw ang ekonomiya ng ating bansa? Ilang pangulo na ba ang nagsabing umuunlad na ang ekonomiya ng bansa ngunit ito ba’y nararamdaman ng karaniwang mamamayan? Sino ba ang nakikinabang sa pag-angat ng ating ekonomiya? Babalik tayo sa tanong noon ng mga awtor o manunulat patungkol sa human development na “Development for Whom?” “Para kanino ba ang pag-unlad”? Masalimuot ang usaping kahirapan sa ating bansa. Kung tatanungin natin ang mga mayayaman ang tiyak na sasabihin nila’y “marami kasi sa atin ang tamad”. At hindi naman natin sila masisisi sa ganitong pananaw dahil umagang-umaga pa lamang nakikipag-inuman na ang ibang mga kalalakihan sa barangay, walang kusang magbanat ng buto, at naghahangad na lamang ng biglaang kita na parang “instant coffee”. Ang iba sa halip na maghanap ng kapakipakinabang na trabaho ay nagbabakasakali sa sugal, at habang natatalo ay lalong nagpipilit na makabawi hanggang sa malulong sa sugal at magkabaon-baon sa utang na lalong nagpapalugmok sa kahirapan. Ang lalong nagpapabigat sa ganitong problema, wala na ngang trabaho, ayaw magbanat ng buto, saksakan pa ng bisyo – sugal, alak o droga. Siga pa, palaaway, nambubugbog ng asawa o mga anak. Kaya paano nga naman aasenso? Bakit nga ba marami sa atin ang tamad, batugan, ayaw magbanat ng buto, pero nangangarap ng masarap na buhay? Ay di hanggang pangarap na lang tayo? Kung tatanungin naman ang mga aktibista kung bakit mahirap tayo ang kanilang sasabihin ay “dahil sa pagkakasakal ng mga mayayaman at naghaharing-uri sa lipunan” katulad ng mga panginoong may-lupa at mga negosyante na madalas sila rin ang mga pinuno sa pulitika. At dahil sila ang mga namumuno sa pulitika ang kanilang mga balakin at gawain ay patungo sa higit na pagpapaibayo ng kanilang mga interes, ng kanilang mga negosyo at ng kapakanan ng kanilang mga pamilya lamang. Kaya nga sila tumatakbo sa pulitika ay upang ma-proteksiyunan ang kanilang mga negosyo at iba pang mga interes, hindi talaga kapakanan ng mga tao ang layunin nila. Kaya patuloy na lumalaki ang agwat ng mayaman at mahirap. Kaya ano nga ba ang dahilan ng ating kahirapan? Katamaran nga ba? O ang paghahari ng mga mayayamang panginoong may-lupa o may-negosyo? Maaaring may katuwiran ang parehong argumento, at higit pa, sapagkat maaaring may kaugnayan ang dalawang dahilang ito. Ugat ng “katamaran” sa kasaysayan Panahon pa ng mga Kastila’y naobserbahan na ang katamaran daw ng mga “Indiyo” (“Indiyo” ang tawag noon ng mga Kastila sa mga katutubong Pilipino). Ang kanilang obserbasyon, magtatrabaho lamang daw ng ilang oras ang mga Pilipino pagkatapos ay uuwi na sa bahay at wala nang gagawin, tatambay na kung baga, hanggang hapon na. Pagkatapos sa hapon naman ay pupuntang muli sa linang na sinasaka magbubungkal ng kaunti tapos uuwi na at kung may makakasama ay mag-iinom na ng “tuba” o kahit na anong alak. Kaya naturingang tamad ang mga ninuno natin. Ang hindi naisip ng mga Kastila ay magkaiba ang klima ng Pilipinas at Espanya. Sa Espanya malamig at iba’t iba ang panahon, may tag-araw (summer), may tag-yelo (winter), may tinatawag na tagsibol (spring) at taglagas (autumn/fall). Sa Pilipinas dalawa lang ang panahon, tag-araw at tag-ulan. Sa Espanya iba’t ibang panahon iba’t ibang pamamaraan ng pagtrabaho, madalian ang pagtanim dahil tatlong buwan lang ang tagsibol, kailangang mayroon sapat ng supply ng pagkain sa panahon ng taglamig dahil walang tumutubo sa panahong ito. Samantalang sa Pilipinas napakasimple lang ng panahon at sa buong taon ay maaaring magtanim, at noong panahong iyon sagana sa kagubatan at mga hayop. At dahil mainit ang klima hindi maaaring magtrabaho sa maghapon kung kaya nagpapahinga ang mga tao sa tanghali hanggang hapon. Hindi dahil sa katamaran ang dahilan kung bakit naghirap ang ating mga ninuno. Ang dahilan ay ang pananakop ng mga Kastila na kumamkam ng ating mga lupain. Nawalan ng lupang sasakahin ang mga Indiyo at ang mga ito’y napunta sa kamay ng mga dayuhang mananakop. Ano’ng nangyari sa mga Indiyong ninuno natin? Sila’y naging mga mangagawa sa mga malalawak na hacienda ng mga Kastila at nang mga may dugong Kastila, na halos mistulang alipin ng mga mananakop. Ang iba’y sapilitang pinagtrabaho sa mga pagawaan ng “galleon” at sumasama sa paglaban sa mga pirata, at iba pang mga gawain tulad ng paggawa ng mga Simbahan, mga gusali ng gobyerno at ng mga kalsada. Ang tawag dito’y “polo” o “forced labor” at walang bayad. Sino ang gaganahang magtrabaho sa ganitong kalagayan? Araw-araw, taun-taon, dekada kada dekada, at daang taon, ang mga ninuno natin ay naging mga alipin ng mga mayayamang haciendero at walang nakikinitang paglaya sa ganitong uri ng pagkaalipin, kung kayat napaniwala nila ang kanilang mga sarili na iyon na talaga ang swerte ng kanilang buhay. Kailangang magtiis dahil sa langit, ayon sa turo ng Simbahan, ay may nakalaang biyaya ng kaligtasan at kaluwalhatian. Kaya tinawag na “fatalistic” ang mga mahirap dahil sa paniniwalang ang kahirapan ang swerte nila sa buhay. Ang mga ninuno natin sa gitna ng kaapihan at pagkaalipin ay madalas pang inaalipusta ng mga mayayamang haciendero komo sasabihing sila’y mga hampaslupa, walang pinag-aralan, mga bobo at ignorante, patay-gutom, at ito’y natanim sa kanilang diwa sa mahabang panahon hanggang sa ngayon, kung kaya’t ganoon na nga ang paniniwala ng mga mahihirap. Ang pakiramdam nila’y kulang ang kanilang pagkatao, kakaiba sila sa mga marangya at nakakataas sa lipunan. Kaya’t sa tuwing makakaharap sa mga mayayaman ay sunud-sunuran lamang ang mga ito at wari’y nanginginig pa, hindi makapangatwiran kahit na hindi makatarungan para sa kanilang ang ipinagagawa o ang nais mangyari ng mga naghaharing uri. Sa panahon ngayon ito’y nagaganap pa rin, katulad ng pagtrato ng mga namamahala ng mga kumpanya sa kanilang mga empleyado o ng mga pinuno ng pamahalaan o burukrasya sa mga karaniwang kawani nito, maging sa Simbahan man sa pagitan ng mga pari at madre at ng karaniwang layko, o sa tahahan mismo kung paano ituring ng mga amo ang kanilang mga katulong o kasambahay. Dahil sa pag-tratong may pang-aalipusta ang mga mahirap ay tuluyan nang nawalan ng tiwala sa sarili nilang kakayahan sa paniniwalang wala silang magagawa dahil sa sila’y “pobre” lamang. At dahil dito’y hindi na nagkaroon ng hangad na magsikap kaya’t naging “apathetic” na rin sila. Nakaukilkil na sa kanilang mga puso, isip at kaluluwa na ganito na talaga ang buhay. At ito’y namana natin sa ating mga ninuno hanggang sa ngayon. Ngunit sa kabila ng kanilang mababang pagtingin sa sarili ang mga mahirap ay nangangarap din na magkaroon ng magandang buhay, na maging katulad ng mga mayayaman at naghaharing uri sa lipunan. Sa kanilang palagay ang pagiging ganap na tao ay ang katulad ng mga mayayaman, at sa tingin nila magiging ganap lamang ang kanilang pagkatao kung sila’y makaahon sa kahirapan. Kaya nga marami sa mga mahihirap, na tinatawag na “masa”, ang nalululong sa mga telenobela o mga palabas sa telebisyon lalo’t kung may kuwento ng mahihirap na umasenso, pagka’t sa sandaling panahon ng panonood ay nakakalimutan nila ang kanilang mga suliranin sa buhay at nakikita nila ang kanilang mga sarili doon sa mga bida sa mga telenobela at nangangarap na mangyari din ang pagtatagumpay sa kanilang buhay. Ganito rin maipapaliwanag ang pagkakalulong ng mga mahihirap sa alak. Sa karaniwang araw ang turing nila sa kanilang mga sarili’y mga hampaslupa, walang kwenta at api, ngunit sa kaibuturan ng kanilang mga puso’y naghahangad ding umasenso at makaahon sa kahirapan. Datapwa’t dahil wala silang nakikinitang pag-asa sa abang kalagayan, ay idinadaan na lamang ang kanilang mga problema sa pag-inom kung saan panandaliang nakakalimutan nila ang kanilang abang kalagayan. Sa kalasingan nagkakaroon sila ng sariling mundo, ang mundo na nais nilang manyari sa kanilang buhay na hindi nangyayari sa tunay na buhay. Kapag sila’y nalalasing lumalabas sa kanilang mga bibig ang mga hindi nila masabi sa karaniwang araw, katulad ng mga hinaing, mga hinanakit, o mga hangarin nila sa buhay, kasama na rin ang pagyayabang na kaya nilang gawin ang lahat. Ang pagsakal ng mayayaman sa mahihirap Dahil sa madilim na kasaysayang naglugmok sa ating mga ninuno sa kahirapan, na naging dahilan upang bumaba ang kanilang pagtingin sa sarili kung kaya’t nawalan na ng tiwala sa kanilang kakayahan, naging madali para sa mga mayayaman ang pananamantala sa mahihirap tulad halimbawa ng pangangamkam ng mga lupain. Ang mga mayayaman bukod sa mahuhusay ang kanilang mga abogado, kaibigan pa nila ang mga huwes o ang mga pulitiko, at maging ang Simbahan. Ang mahihirap, dahil sa walang sapat na kaalaman, ni wala ngang kayang magbayad ng abogado at kung mayroon man ay abogado ng gobyerno na wala ring magawa dahil sa kakampi ng mayayaman ang mga huwes at mga pulitiko, kung kaya’t tahimik na tatanggapin na lamang ang kanilang pagkatalo at pagka-api. Ganito rin ang nagaganap kung ang isang mayaman ay nang-abuso ng isang mahirap, halimbawa’y nanghalay ng puri ng isang babaeng mahirap, halimbawa’y ang kanilang katulong, na babayaran na lamang ang pamilya upang manahimik pagkat wala rin namang mararating ang kaso. Sa lipunan ang mayayaman ang nagdidikta ng mga kalakaran sa pulitika at sa ekonomiya. Kailangang maproteksiyunan nila ang kanilang mga lupain at mga negosyo, kaya kailangang may kakampi sila sa gobyerno lalo pa’t ang gobyerno’y umaasa sa kanilang mga buwis. Kaya naman ang gobyerno’y sunud-sunuran sa mga mungkahing mga patakaran o batas ng mga mayayaman. Kaya nga kung may mga batas na magiging mapanira sa kanilang mga interes, katulad na lamang ng reporma sa lupa o tinawag na “Comprehensive Agrarian Reform Program”, ito’y puno naman ng butas upang hindi talaga tuluyang maipamigay sa mga magsasakang walang lupa ang mga lupain ng mayayaman. Karamihan sa mga naipamahagi nitong nakaraang panahon ay lupang gobyerno, at hanggang ngayon maraming lupaing prime agricultural land ay nasa kamay pa ng mag panginoong may lupa o kaya na-i-convert sa layuning pang-industrial kaya’t hindi na maipamahagi. At upang tuluyang maisulong nila ang kanilang mga interes, ang mayayaman na mismo ang mga namamayani sa pulitika bilang mga alkade, gobernador, congressman, senador at iba pa, at sila ang mga may koneksiyon at kapangyarihan upang magtalaga ng kanilang mga kaibigan sa gabinete at iba pang mga katungkulan sa burukrasya upang kanilang maging mga kakampi. Ang mga mayayaman ay wala naman talagang pakialam sa karaniwang mamamayan. Pinapasok nila ang larangan ng pulitika upang isulong ang interes ng kanilang pamilya at mga negosyo. Kaya may “political dynasty” na kung saan ilang pamilya lamang ang naghahari sa isang lugar, o kaya hindi napapalitan ang mga pinuno sa isang lugar at nagpapasalin-salin lamang ito sa mga kasapi ng iisang pamilya. Ginagamit lamang nila ang mahihirap upang patuloy silang manatili sa kanilang mga puwesto. Paano ginagamit ng mga mayayaman ang mga mahihirap upang manatili ang kanilang political dynasty? Dito pumapasok ang usaping “patronage politics” na siyang laman o katangian ng tinatawag nating “traditional politics” o “trapo”. Ang mga mayayamang pulitiko ay nagmimistulang mga “patron” ng mga lugar na kanilang nasasakupan. Dahil sila’y patron, sa kanila tumatakbo ang mga mahihirap tuwing may mga pangangailangan, halimbawa’y gamot, pambayad sa ospital, pampalibing, pang-eskuwela ng mga bata, at iba pang mga pangangailangan. Kaya nga ang mga bahay ng mga pulitiko ay palaging maraming tao sa araw-araw sapagkat maraming mga mahihirap ang dumudulog upang humingi ng kaunting tulong. Ang kaunting tulong na kanilang natatanggap sa kanilang mga pulitiko ay kanilang tinatanaw bilang utang-na-loob kung kaya’t sa susunod na eleksiyon iboboto nila ang mga pulitikong ito bilang pagtanaw ng utang-na-loob. Ginagamit ng mga trapo ang utang-na-loob na ito upang mapanatili sila sa kanilang mga puwesto. Kaya ang kalakarang ito ang ibig sabihin ng patronage politics. Tinatangkilik ng mga tao ang mayayamang pulitiko dahil sa mga kaunting tulong na tinatanggap nila sa mga ito, kung kaya’t nananatili ang mga mayayamang pulitiko sa kanilang mga puwesto. At ito ang ibig sabihing ng traditional politics o “trapo”, na hindi kuwalipikasyon o kakayahan ng pulitiko o plataporma de gobyerno ang tinitingnan ng mga tao, kungdi kung ano ang ibinibigay sa kanila ng mga trapo na tinatanaw nilang malaking utang-na-loob. At dahil sa ginagamit nga lang naman ng mga trapo ang mahihirap, walang tunay na pagbabago sa kalagayan ng lipunan ang nagaganap kungdi ang patuloy na pananamantala ng mga mayayamang pulitiko gamit ang kanilang kapangyarihan, upang lalo pa silang yumaman sa pamamagitan ng kurapsiyon at iba pang pang-aabuso sa gobyerno, samantalang ang mahihirap ay patuloy na naghihirap, walang tunay na pag-asenso kungdi ang umasa na lamang kakarampot na ibinibigay sa kanila ng mga trapo. Ang masaklap hindi batid ng mga mahihirap na ang ginagamit ng mga trapo ay nagmula rin naman sa buwis ng mga mamamayan ngunit sa akala nila’y napakabuti na sa kanila ng mga trapo sa kaunting biyayang ambon. Ang mas masaklap ang ibang ginagamit ng mg trapo ay galing sa pandarambong o kaya sa mga illegal na gawain tulad ng illegal na pagtotroso, illegal na pagmimina, illegal na pangingisda, huweteng, smuggling o droga. Natatakpan ang kanilang mga illegal na gawain sa pamamagitan ng mga kaunting tulong na ibinibigay sa mahihirap na dahil dito’y patuloy na naniniwala sa kabutihan ng mga trapo. Sa ating bansa ang pulitikang patronage politics o traditional politics ay tinatawag ding “Oligarchy” na ang ibig sabihin ay pamumuno ng iilan lamang, at sila ang tinatawag ng mga aktibista na “naghaharing uli” o “ruling elite”. Kapag ang iilang mga naghaharing ito’y mga mayayaman lamang ang tawag naman dito’y “Plutocracy”. Ito’y mga magkakaugnay na mga terminolohiya. Ang Plutocracy na isang uri ng Oligarchy ay traditional politics o “trapo”. Ang katangian ng mga trapo ay patronage o paggamit ng “utang-na-loob” sa pamamagitan ng pamumudmod ng maliliit na tulong sa mga mahihirap. At dahil sa patuloy nilang pananatili sa puwesto nagpapasalin-salin lamang sa mga kasapi ng pamilya ang kanilang pamumuno sa pulitika. Ang tawag dito’y political dynasty. At dahil interes lamang ng pamilya ang mahalaga sa political dynasty ang mahihirap ay patuloy na naghihirap at walang pag-asang makaahon sa kanilang kahirapan. Paano tayo makakaalpas sa kahirapan at magkakaroon ng tunay na pagbabago? Nauna nang nabanggit na masalimuot ang usaping kahirapan sa Pilipinas. Kaya hindi tamang sabihing mahirap ang mahihirap dahil sila’y mga tamad. Maaaring iyan ay isang dahilan ngunit ayon sa naipaliwanag na, mas malawak pa ang sanhi ng kahirapan sa bansa. Ayon sa isang batikang edukador na nagngangalang Paolo Freire mula sa bansang Brazil, ang mga mahihirap, dahil sa napakatagal na pagkaalipin sa mga dayuhang mananakop ay walang kakayahang iangat ang antas ng kanilang kamalayan upang maunawaan ang kanilang tunay na kalagayan pagkat para sa kanila, ayon kay Freire, napaniwala nila ang kanilang mga sarili na ganito na nga ang swerte ng kanilang buhay, na ganun talaga ang buhay, kung kaya’t wala nang kusang magsikap upang makaalpas sa ganitong kalagayan. Kailangang itaas ang antas ng pag-iisip ng mga mahihirap ayon kay Freire, upang maunawaan nila na ang buhay ay hindi “swerte-swerte” lamang, at malaki ang kanilang magagawa sa pagbabago ng kanilang buhay kung mababago ang kanilang pananaw sa buhay. Ang mga mahirap na nagsikap at nakaalpas na sa kahirapan ay mga taong tumaas na ang antas ng kanilang kamalayan, naunawaan nila na nasa kanilang mga kamay ang ika-aasenso ng kanilang buhay, hindi “swerte-swerte” lang, o hindi ang pagdulog na lamang sa mga pulitiko. Sa mga mayayamang bansa na ang mga tao ay may kusa at masipag na naghahanap ng mga paraan upang umasenso, hindi sila interesado sa pulitika. Para sa kanila ang pulitika ay pagsasaayos ng mga alintuntunin sa pamahalaan upang ito’y makapagbigay ng mga tama at sapat ng mga serbisyo sa ikakaayos ng buhay ng mga tao hindi ng mga pulitiko lamang. Makakaalpas tayo sa kahirapan kung mababago ang pananaw ng mga mahihirap, na aasenso tayo kung magsisikap at hindi aasa sa iba. Hindi ikakahiya ang pagbabanat ng buto sa marangal na paghahanapbuhay, at hindi maghahangad ng agarang pagyaman kundi pagtitiyaga. Kung pagbabago ng lipunan ang pag-uusapan, malaki ang magagawa kung magsasama-sama ng lakas ang mahihirap. Hindi pagagamit sa mga trapo sa maling pagtanaw ng utang-na-loob. Sa gayon ang mga mahihirap ay makakawala sa pagkakasakal ng mga political dynasty na patuloy nang mabubuwag kung hindi na tatangkilikin ng mga mahihirap. Hindi ipagbibili ang boto tuwing darating ang eleksiyon at pipili ng mga kandidatong higit na kuwalipikado at may maayos na platoporma de gobyerno lalo’t kung ang programang ilalatag ay bunga ng konsultasyon sa mga tao. Malaki ang papel na gagampanan ng mga pamilya. Sa pamilya mag-uumpisa ang pagbabago kung ang mga magulang ay magbibigay ng magandang halimbawa sa kanilang mga anak ng kasipagan, katapatan o “honesty”, pagtutol sa pandaraya o kurapsiyon, pag-iisip ng tama at paggawa ng mabuti at pagtulong sa kapwa. Maraming pamilya sa lipunan natin ang napariwara na dahil ang mga magulang mismo ang nagtuturo sa kanilang mga anak ng hindi maganda. Karaniwan nang naririnig sa mga magulang ang ganito: “Anak, dalawang klase lang ang tao sa mundo, ang mga manloloko at ang mga nagpapaloko, kaya maging wais ka para hindi ka maloko”. O kaya, “Mas mabuti pang ikaw na ang manloko huwag ka lang maloko”.Sa murang isipan ang mga bata’y nahuhubog na kaagad sa pandaraya at kurapsiyon. Kaya kailangang magbago ng pananaw sa buhay ang mga tao. Hindi swerte-swerte lamang ang buhay. Kailangang maunawaan natin na may mga balangkas o istruktura sa lipunan na siyang dahilan ng patuloy na pagkakalugmok ng mga tao sa kahirapan. Kung tataas ang antas ng ating kamalayan, bubuwagin natin ang oligarchy at patronage politics ng mga trapo at mga political dynasty, hindi aasa na lamang sa kanila kundi magsusumikap na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto. Kung nabuwag na ang oligarchy maaari tayong magsama-sama upang magtayo ng bagong uri ng pamahalaan na tunay na para sa tao na tutugon sa kanilang mga karapatan at pangangailangan bilang mga mamamayan ng bansa, at hindi pamahalaan para sa interes ng iilan lang na naghaharing uri. (责任编辑:) |